Sabado, Hulyo 2, 2011

LUNES na NAMAN!



Ang araw ng Lunes ay nalalapit na naman , bagong araw, simula na naman ng linggo, ano nga ba ang kinaiinisan ko tuwing Lunes? Una ang paggising ng maaga kahit ang katawan ko ay hinahanap pa din ang paghiga sa kama, pangalawa ay ang paniguradong trapik dahil na din sa madaming TMD na nanghuhuli ng mga pasaway ng drivers at panghuli ay ang makita ang mga estudyante na naglalakwatsa ng umagang umaga.


Tuwing Lunes, habang ako ay naglalakad papuntang sakayan ng jeep ay napapadaan ako sa isang eskinita na akala mo sa pelikula mo lang makikita, eskinitang may mga tindahan, bahay at karinderia. Sa eskinitang ito makikita din ang isang gusali na sa una ay aakalain mong paaralan dahil sa daming mga kalalakihang nakauniporme sa loob, minsan napasilip ako at nagulat ako sa aking nakita, sa isang malawak na silid na may mga nakabitin na ceiling fan at ilaw na di masyadong kaliwanagan may 4-5 billiard tables, 3 video game units. Sa loob ay makikita din ang mga estudyanteng parokyano na akala mo ay nagflaflag ceremony sa haba ng pila para makapaglaro ng video games at bilyar, yosi at tako ang iyong makikitang kanilang hawak kesa sa inaasahan natin bolpen o lapis, borax ang nagpapaputi ng kanilang mga kamay kesa ang alikabok mula sa chalk ng blackboard, at NARUTO o kaya NBA 2k10 ang kanilang pinapanuod at nilalaro kesa ETV. May matanda doon na taga bantay, nakakatuwa para sya ang tumatayong principal sa gusali, minsan sya na din ang canteen personnel dahil na rin sa mga tinda nyang pagkain at butbutin sa kanyang bilyaran at kadalasan sya na rin ang cashier dahil sa kanya nagbabayad ag mga estudyante.





Nakakalungkot, mahirap talagang tanggapin ang katotohanan na may mga kabataang pinipili pang magliwaliw kesa pumasok sa eskwelahan, may mga kabataang ding hindi iniisip ang hirap at pagod na dinadanas ng kanilang mga magulang para lang mabigyan sila ng baon na nagshoshoot lang sa 6 butas ng bilyaran at sa token slot ng video game units at may mga kabataan na aalis sa kanila ng nakauniporme pero hindi sa tunay na paaralan ang punta. Alam kong hindi lang dito sa amin may ganitong padale marahil sa ibang lugar din ay may ganito ding kaso, nakakapanlumo na sa mura nilang edad ay makikitaan mo sila ng mga sigarilyo sa kanilang hilababaw at naghihithitan na akala mo’y mga taong tambutso.

Bukas LUNES na naman, makikita ko nanaman silang nakapila doon, nais ko man silang sabihan pero sino ba ako sa kanila para makinig sila sa akin? Ipinagdarasal ko na lang na isang araw ay maumpog sila sa katotohanan na ang kanilang ginagawang pag sasayang ng oras at pera ay walang magandang patutunguhan. Sana isang LUNES ay makita kong paunti unti na silang nawawala sa gusaling tinuturing nilang pangalawang tahanan at bumalik sa paaralan na totoo at dapat nilang PANGALAWANG TAHANAN!