Biyernes, Mayo 25, 2012

PAG - saGALA

Sta. Cruzan o ang popular sa tawag na SAGALA ay isa sa mga pinakaaabangan ng mga tao tuwing Mayo, sa probinsya gaya ng Bikol ang mga sumasagala ay mga dayong bisita mula sa iba’t ibang parte ng bansa mga bakasyonista na ang mga magulang ay taga roon sa lugar na iyon.



Noong ako ay pitong taong gulang napasabak kaming magpipinsan sa isang sagala dahil na rin ika 50th na kaarawan ng aking lola at isabay mo pa ang fiesta. Dahil na nga sa selebrasyon sa buwang iyon napilitan kaming pamilya na umuwi lahat ng probinsya para makisaya sa isang linggong puno ng kainan at kasiyahan. Tandang tanda ko pa banong bano ako sa video cam noong mga panahong iyon dahil sa video coverage.

Mabalik sa sagala, dahil kami nga ay galing Batangas naisipan na isali kami sa sagala, bagong mukha kasi ang kailangang makita ng mga tao, ang kapatid ko ang Reyna Elena ang pinsan ko ang Escort at ako at yung isa kong pamangkin ang mga alalay. Ewan ko ba ang sagalang iyon ay todo pinaghandaan parang kasal ang nangyari may photo and video coverage at todo effort ang aking pumanaw na tiyuhin sa pag aayos ng aming arkong talagang kakaiba sa lahat dahil na din sa ilaw at desenyo nito.

Masaya naman sumagala pero may mga bagay talagang hindi masaya sa sagala. Una ang mahabang lakarin na parang may ALAY LAKAD dahil nga hindi pa naman high tech noong mga panahong iyon ang sagala ay literal na SAGALA, gala kayo ng gala habang nakasuot ng mga damit na di komportable, isipin nyo nalang na dapat magala nyo ang buong barangay para ipakita ang mga bisita sa darating na fiesta.




Pangalawa pilit kang ngingiti kahit init na init ka na sa suot mong barong o saya, oo tama yang inyong nababasa bawal magsimangot habang naglalakad dapat laging GALAK na GALAK ang itsura, laking awa ko nalang sa aking ate dahil ang kanyang damit ay medyo malaki at madaming patong, iniisip ko noong panahong iyon na baka mahimatay sya sa init ng kanyang damit. Hindi lang pala damit ang nagpapainit sa iyong katawan pati na din ang mga ilaw na todo nakatapat sayo dahil may video coverage. Tagaktakan ang pawis, punas doon, punas dito. Partida pati pag inom ng tubig ay hindi naming naranas habang naglalakad, kendi lang ang aming sandigan.

Pangatlo kakaway ka na para bang kakilala mo yung mga tao sa paligid. Dahil nga na saiyo ang mata ng mga tao bawal kang SNOB kaway lang ng kaway, tango lang ng tango. Para kang dibateryang laruan na pinapagalaw ng mga tao sa paligid.

At panghuli dahil pagod na pagod ka na sa PAGsaGALA, minsan maaksidente ka ng hindi mo inaasahan. Sa aking parte dahil nga ako ay isang alalay ng Reyna Elena ako ang may hawak ng kanyang napakaHABANG KAPA syempre nasa likod ako noon hindi ko na kinaya ang haba ng nilakad naming napatigil ako habang ang lahat ay naglalakad, hindi ko naalala na ang arko pala na aming kinalalagyan ay tinutulak kaya yun alam nyo na ang nangyari, oo nakasuot ako sa ilalim ng umaandar na arko. Nakakahiya pero hindi ko na inisip ang hiya kasi inis na inis na ako sa pagod tumugil naman ang arko pero huli na nasa ilalim na ako, todo pang aasar ang inabot ko sa aking mg ISIP BATANG mga Pinsan dahil sa nangyari mabuti nalang di ako nakuhanan ng video camera kasi kung nagkataon makakasama pa ako sa BITOY’s Funniest Video.

Sta. Cruzan o Sagala, sa relihiyosong pananaw paghahanap ito ng krus ni Hesus nina Reyna Elena at ng anak nyang si Constantino, sa aking pananaw naman isa ito sa mga pinakahihintay ng lahat pero kung titingnan isa itong matinding sakripisyo para lang mapasaya ang ibang tao kahit sa isang saglit man lamang.