Martes, Hunyo 21, 2011

SA SALIW NG RITMO NG ULAN AT TINIG

Sa tuwing umuulan isa sa pinakamasayang naaalala ko ay ang aking kabataan, bukod sa aking paboritong isuot na kulay berdeng Mickey Mouse na kapote at sa mainit at malinamnam na champorado o di kaya sopas na almusal na inihahain ng inay, naaalala ko pa rin ang pagsasayaw habang pumapatak ang malalaking butil ng mala kristal na ulan sa bubungan ng aming silid aralan.

Grade 1 ako noong at tandang tanda ko pa na hindi maganda ang panahon, umaga pa lang pero madilim na ang kalangitan, malakas ang ulan pero kailangan kong pumasok dahil may pagsusulit kami noon. Habang suot ko ang aking kapote at habang nakapayong ang aking ina na syang may dala ng aking bag, hinatid nya ako sa paaralan ng mga dakong alas siyete. Nakita nya na kakaunti lang ang pumasok na bata, labing limang mga mukhang basing sisiw na bata, kalahati ng normal na klase sa tuwing maganda ang panahon, sa kabilang banda nakita naming mag ina ang aking guro habang nagpupunas sya ng sahig dahil  sa natulong kisame ng aming silid aralan. Binati lang ng aking ina ang guro ay iniwan na nya ako at sinabihan ang aking guro na wag akong papalabasin hanggat di sya na darating. Habang patuloy na pumapatak ang malakas na ulan, may isang anunsyo ang pinadala ng DECS (ngayo’y DEPED) na ikakansela ang pasok ng elementarya tulad pa rin ngayon huli silang nagbibigay ng anunsyo dati, kaya habang tumatagal ang oras unti unting nauubos ang kinseng bata na gumising ng maaga para lang matuto.

Matatandaan ko pa noon na ang tagal tagal dumating ng aking ina habang ang aming guro ay pumunta muna sa kantina para dalhan kami ng pagkain. Mula sa labing lima, naging sampu, anim at humantong sa tatlo ang natira sa klase, ako, si Vincent at si Jasmine (mga di nila tunay na pangalan).

Si Vincent ay taga Bustop, tapos si Jasmine ay taga Palengke, sila ay di pa makakauwi dahil ang kanilang mga magulang ay nagtatrabaho pa katulad ng aking ina na abala sa aming negosyo. Dahil kami ay tatlo nalang na natira sa silid aralan kami ay nagbalak na maglaro, habulan sa maluwag na silid pero basing sahig , naglaro kami ng clay, nagbasa ng mga libro, kumanta,  pero hindi din nagtagal si Vincent dahil sinundo na sya ng kanyang ate na pinauwi na din mula sa klase sa kalapit na hayskul. Kami nalang ang natira ni Jasmine sa silid habang ang aming guro ay pagala gala lang sa paaralan at nakikipag usap sa iba pang guro.

Nagkakahiyaan pa kami ni Jasmine noon kasi ewan ko para bang may ilangan na kami sa klase kahit noong kami ay magkaklase pa sa kindergarten, alam ko na dahil sya ang valentine ko noong kinder - isang bunutan sa klasrum. Basta nanahimik ang buong silid tanging ingay lang ng patak ng ulan ang aming naririnig, hanggang sa dumating ang aming guro, pinuntahan nya kami at kinausap, sabi nya na iiwanan nalang daw nya kami sa kabilang room pag pumatak na ang oras na alas dose, kasi susunduin pa nya ang anak nya na nag aaral sa ibang paaralan.

Pero bago sya umalis kami ay pinatayo, naglaro kaming kasama ang aming guro nagbilang kami, kumanta, binasahan nya kami ng mga istoryang nakakatakot, pantasya pati na din komedya. Pero ang hindi ko makakalimutan ay pinasayaw nya kami habang nakanta sya ng isang kantang makaluma na hanggang ngayon ay di ko maalala ang lyriko. Malakas pa rin ang ulan, nangingibabaw ang lakas ng patak ng ulan sa tinig ng aming matandang guro, habang kami ay nasa loob ng isang medyo madilim na silid, inilapit ng aming guro ang aming mga kamay sa isa’t isa, si Jasmine ay nakahawak sa aking balikat habang ako naman ay nakahawak sa likod nya ang isang kamay naming ay kapwa magkahawak din yung tipong ang porma ay magsasayaw ng waltz.

Wala kaming nadamang hiya noong pagkakataong iyon, para ba kaming nahypnotized at naging automatic na mga laruan na sumasayaw sa ritmo ng kanta at patak ng ulan. Pakiramdam ko ay binigyan ng pagkakataong kami ni Jasmine na makapagkilala at makapag usap sa simpleng indak sa saliw ng kanta at ritmo ng pagpatak ng mga kristal na tubig mula sa langit.

  Mag aalas dose nang tumigil pansamantala ang ulan, nanahimik ang buong paligid habang ako at si Jasmine ay tinulungan ang aming guro na punasan ang basang sahig ng aming klasrum, dumating na ang ina ko at iniwan ko nalang si Jasmine at ang aming guro sa loob ng klasrum. Doon natapos an gaming pag indak sa saliw ng kanta.

Ngayon sa tuwing naulan naalala ko pa rin ang masayang araw na iyon, ang pagkakataong minsan lang dumating sa buhay ng isang bata, ang pagkakataong kahit ang kalikasan ay nakikisama sa ano mang paraan para makakilala ka ng isang tao na minsan lang darating sa ating buhay.

Ngayon nakikita ko pa rin si Jasmine pagala gala malapit sa aming bahay, malaki na ang pinagbago nya mula sa tahimik at mahiyaing babae ngayon ay medyo sulpada na at nagmamaganda na sya, ok lang yun kahit ano man ang nangyari sa kanya at kahit minsan hindi nya ako naaalala na para bang hindi kami naging magkaklase tatanawin kong isang utang na loob ang pakikipagsayaw nya sa akin sa saliw at ritmo ng ulan at tinig.


utang na loob ang pakikipagsayaw nya sa akin sa saliw at ritmo ng ulan at tinig

Lunes, Hunyo 20, 2011

LIHAM PARA KAY RIZAL

Seńor Jose P. Rizal,

Isang mapagpalayang araw sa inyo, Ako po si Yujin nagmula sa makabagong henerasyon ng mga Pilipinong nabubuhay sa panahon ng modernong teknolohiya. Matagal tagal nyo din hindi nakikita ang Pilipinas mula ng kayo ay binawian ng buhay sa Bagumbayan, na ngayon ay Luneta na kung saan makikita ang magagandang ilaw at dancing fountain ng parke at bagong pintang playground, ang statue ni LAPU-LAPU at ng inyong DAMBANANG binabantayan ng dalawang sundalong ayaw ngumiti. Sa kabilang banda naman ang pangit na katotohanang ang LUNETA kung saan kayo’y binawian ng buhay ay ang ginagawang estasyon ng mga masasamang loob tulad ng mga nag uunahang mandurukot, mga sabog na rugby boys at girls, mga matatabil ang dilang bugaw at mga taong nagbebenta ng aliw.

Ngayon ay isa na naman taon ang dumagdag sa inyo at ang matindi pa nito 150 taon na kayong nabubuhay di man sa pisikal na anyo kung di sa aming mga isipan at puso, sa libro, sa mga kwento, sa mga kalyeng ipinangalan sa inyo, sa PISO kung saan halos lahat ng PILIPINO ay nakahawak na nito at bilang PAMBANSANG BAYANI ng bansang sinasabi nilang PAPAUNLAD. Kung nabubuhay kaya kayo ngayon makakapagsuot ka din kaya ng usong fashion trends, makakapagpamohawk, o kaya makikita ka naming sa mga naglalakihang Bar at party place and events? Maaadik rin kaya kayo sa Korean Halleyu, sasayaw sa mga kantang kanilang pinapauso at magpapadala ka kaya sa modernong consumerismo gaya ng pagtangkilik sa MCDO. Gagamit din kaya kayo ng mga TABLETS na unti unti nang iniinvade ang ating bansa?  Nakakatuwa naman po atang makita ang isang RIZAL na naglalakad sa MAKATI habang naka EXECUTIVE look with matching pomada sa buhok.

Kung buhay ka kaya ngayon, ano kaya ang STAND NYO sa mga isyung panlipunan, at pang ekonomiya? Papayag kaya kayo sa DIVORCE o kaya sa RH BILL? Maniniwala kaya kayo sa DAAN MATUWID na sinasabi ng ating mahal na PANGULO o dadaan nalang kayo sa DAANG MATRAPIK sa C5? Mapapadaan din kaya kayo sa KILLER HIGHWAY na kahit may mga camera na ay todo pa rin ang mga pasaway na motorista sa pagpapatakbo ng higit sa SPEED LIMIT? Sa LOTTO kaya’y tataya kayo lalo na sa 6/55 na ang premyo ay naabot sa 300 MILLION? MagBABAN din kaya kayo ng mga produktong galing sa CHINA gaya ng mungkahi ni Gov. SALCEDA ng Albay, para lang maipaglaban ang SPRATLY? Sa tingin nyo saan kaya SUSUPORTA ang AMERIKA sa SPRATLY ISSUE, sa CHINA na kanilang pinagkukuhanan ng LABOR FORCE o sa PILIPINAS na matagal na nilang KAIBIGANG BANSA? Ano kaya ang magiging reaksyon mo sa malaking pagbabago ng ILOG PASIG na dati’y sa iyong mga libro’y bumibida ang kalinisan? Paano nyo kaya mabibigyan ng katarungan ang matinding sinapit ng mga kapwa nating mamahayag na katulad nyo din na gustong ihayag ang mga katotohanan at mga kadumihan ng gobyerno, na hindi pa rin nakukuha ang katarungan at katahimikan sa unti unti nang nakakalimutang MAGUINDANAO MASSACRE!

Ano kaya ang masasabi nyo sa mga KABATAANG inaasahan nyong magiging PAG-ASA NG BAYAN na ngayon ay naghahalukay ng basura sa bundok ng umaalingasaw na basurahan at hindi man lang nabigyan ng sapat na kaalaman dahil na din sa NAPAKALUMA nang isyu ng KAHIRAPAN. Tama pa rin po kayo na ang EDUKASYON ang magpapalaya sa atin, sa kamangmangan at kahirapan, pero paano po yung mga batang napipilitang magtrabaho para may panlaman ng kanilang TYAN? Ano kaya ang gagawin nyo sa mga magulang ng 3 batang babae na ginagawang negosyo ang mga anak sa pamamagitan ng CYBERSEX para lang kumita ng 1 Libong Piso kada araw? Tama, po nakakapanlumo ang mga nangyayri ngayon sa ating bansa, dati ang kalupitan lang ng mga ESPANYOL ang inyong nais matanggal ngayo’y ay nagkahawa hawa na, pati KAPWA PILIPINO ay dumadagdag na sa pagpapasakit sa ibang tao. Kung makikita nyo kami ngayon masasabi nyo bang SULIT ang inyong PAGKAMATAY para sa BAYAN?

Seńor Rizal, sana buhay ka ngayon para masagot nyo ang aking mga katanungan, para makatulong ito sa aming mga susunod sa linya ng mga taong handang maglilingkod sa bayan, inaamin ko na ang ating bansa ngayon ay hindi pa rin natututo sa mga nangyayari sa nakaraan, paikot ikot lang ang kapalaran ang mahirap ay mahirap parin ang mayaman ay patuloy pa rin sa pagyaman. Sa tuwing laban lang ni MANNY nararamdaman ang damdaming MAKABAYAN at pagkatapos nito ay naliligaw na ulit kami sa ibang identidad bilang ibang tao na nakatira sa bansang pinagbuhusan nyo ng pagod at buhay.  Hanggang dito na lang po muna ang aking sulat sa inyo, sa susunod nyo na lang pong kaarawan ako magbabahagi ng aking mga hinaing. MALIGAYANG KAARAWAN!

"para sa iyong ika-150 na kaarawan, sumasaludo kami at umaasa pa rin na mabuhay ang aming DAMDAMING MAKABAYAN!"

Magsumiklab nawa ang aming DAMDAMING MAKABAYAN ngayon at kailanman!

Humahanga at Sumasaiyo,
Eugenio “Yujin” Sta. Romana De Luna Jr.