Martes, Hunyo 21, 2011

SA SALIW NG RITMO NG ULAN AT TINIG

Sa tuwing umuulan isa sa pinakamasayang naaalala ko ay ang aking kabataan, bukod sa aking paboritong isuot na kulay berdeng Mickey Mouse na kapote at sa mainit at malinamnam na champorado o di kaya sopas na almusal na inihahain ng inay, naaalala ko pa rin ang pagsasayaw habang pumapatak ang malalaking butil ng mala kristal na ulan sa bubungan ng aming silid aralan.

Grade 1 ako noong at tandang tanda ko pa na hindi maganda ang panahon, umaga pa lang pero madilim na ang kalangitan, malakas ang ulan pero kailangan kong pumasok dahil may pagsusulit kami noon. Habang suot ko ang aking kapote at habang nakapayong ang aking ina na syang may dala ng aking bag, hinatid nya ako sa paaralan ng mga dakong alas siyete. Nakita nya na kakaunti lang ang pumasok na bata, labing limang mga mukhang basing sisiw na bata, kalahati ng normal na klase sa tuwing maganda ang panahon, sa kabilang banda nakita naming mag ina ang aking guro habang nagpupunas sya ng sahig dahil  sa natulong kisame ng aming silid aralan. Binati lang ng aking ina ang guro ay iniwan na nya ako at sinabihan ang aking guro na wag akong papalabasin hanggat di sya na darating. Habang patuloy na pumapatak ang malakas na ulan, may isang anunsyo ang pinadala ng DECS (ngayo’y DEPED) na ikakansela ang pasok ng elementarya tulad pa rin ngayon huli silang nagbibigay ng anunsyo dati, kaya habang tumatagal ang oras unti unting nauubos ang kinseng bata na gumising ng maaga para lang matuto.

Matatandaan ko pa noon na ang tagal tagal dumating ng aking ina habang ang aming guro ay pumunta muna sa kantina para dalhan kami ng pagkain. Mula sa labing lima, naging sampu, anim at humantong sa tatlo ang natira sa klase, ako, si Vincent at si Jasmine (mga di nila tunay na pangalan).

Si Vincent ay taga Bustop, tapos si Jasmine ay taga Palengke, sila ay di pa makakauwi dahil ang kanilang mga magulang ay nagtatrabaho pa katulad ng aking ina na abala sa aming negosyo. Dahil kami ay tatlo nalang na natira sa silid aralan kami ay nagbalak na maglaro, habulan sa maluwag na silid pero basing sahig , naglaro kami ng clay, nagbasa ng mga libro, kumanta,  pero hindi din nagtagal si Vincent dahil sinundo na sya ng kanyang ate na pinauwi na din mula sa klase sa kalapit na hayskul. Kami nalang ang natira ni Jasmine sa silid habang ang aming guro ay pagala gala lang sa paaralan at nakikipag usap sa iba pang guro.

Nagkakahiyaan pa kami ni Jasmine noon kasi ewan ko para bang may ilangan na kami sa klase kahit noong kami ay magkaklase pa sa kindergarten, alam ko na dahil sya ang valentine ko noong kinder - isang bunutan sa klasrum. Basta nanahimik ang buong silid tanging ingay lang ng patak ng ulan ang aming naririnig, hanggang sa dumating ang aming guro, pinuntahan nya kami at kinausap, sabi nya na iiwanan nalang daw nya kami sa kabilang room pag pumatak na ang oras na alas dose, kasi susunduin pa nya ang anak nya na nag aaral sa ibang paaralan.

Pero bago sya umalis kami ay pinatayo, naglaro kaming kasama ang aming guro nagbilang kami, kumanta, binasahan nya kami ng mga istoryang nakakatakot, pantasya pati na din komedya. Pero ang hindi ko makakalimutan ay pinasayaw nya kami habang nakanta sya ng isang kantang makaluma na hanggang ngayon ay di ko maalala ang lyriko. Malakas pa rin ang ulan, nangingibabaw ang lakas ng patak ng ulan sa tinig ng aming matandang guro, habang kami ay nasa loob ng isang medyo madilim na silid, inilapit ng aming guro ang aming mga kamay sa isa’t isa, si Jasmine ay nakahawak sa aking balikat habang ako naman ay nakahawak sa likod nya ang isang kamay naming ay kapwa magkahawak din yung tipong ang porma ay magsasayaw ng waltz.

Wala kaming nadamang hiya noong pagkakataong iyon, para ba kaming nahypnotized at naging automatic na mga laruan na sumasayaw sa ritmo ng kanta at patak ng ulan. Pakiramdam ko ay binigyan ng pagkakataong kami ni Jasmine na makapagkilala at makapag usap sa simpleng indak sa saliw ng kanta at ritmo ng pagpatak ng mga kristal na tubig mula sa langit.

  Mag aalas dose nang tumigil pansamantala ang ulan, nanahimik ang buong paligid habang ako at si Jasmine ay tinulungan ang aming guro na punasan ang basang sahig ng aming klasrum, dumating na ang ina ko at iniwan ko nalang si Jasmine at ang aming guro sa loob ng klasrum. Doon natapos an gaming pag indak sa saliw ng kanta.

Ngayon sa tuwing naulan naalala ko pa rin ang masayang araw na iyon, ang pagkakataong minsan lang dumating sa buhay ng isang bata, ang pagkakataong kahit ang kalikasan ay nakikisama sa ano mang paraan para makakilala ka ng isang tao na minsan lang darating sa ating buhay.

Ngayon nakikita ko pa rin si Jasmine pagala gala malapit sa aming bahay, malaki na ang pinagbago nya mula sa tahimik at mahiyaing babae ngayon ay medyo sulpada na at nagmamaganda na sya, ok lang yun kahit ano man ang nangyari sa kanya at kahit minsan hindi nya ako naaalala na para bang hindi kami naging magkaklase tatanawin kong isang utang na loob ang pakikipagsayaw nya sa akin sa saliw at ritmo ng ulan at tinig.


utang na loob ang pakikipagsayaw nya sa akin sa saliw at ritmo ng ulan at tinig

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento