Sabado, Disyembre 31, 2011

SALAMAT sa 2011, sa 2012 ULIT!

Lord, salamat po sa nagdaan na taon, salamat at sasalubingin ko ang taong 2012 na may 10 mga daliri sa kamay, maayos na pandinig, at medyo OK na paghinga.

Salamat sa mga simpleng bagay na nagiging ektra ordinaryo gawa ng mga taong nakapaligid sa akin, sa mga taong nagiging inspirasyon, sa mga kaibigan na laging handang magpasaya o kaya dumamay sa luha.

Salamat po sa mga gurong walang sawang nagbibigay ng karunungan sa amin, lalo na ang mga gurong nagbibigay ng oras at kalinga sa amin sa tuwing kami ay nangangailangan ng tulong. 

Salamat po sa pagbibigay sa akin ng mga estudyante sa SIKAT na nagtuturo din sa akin ng mga bagay bagay sa realidad ng buhay.

Salamat sa mga gumagabay sa akin, sa mga taong laging bukas ang pintuan at pati na din mga bintana sa tuwing nangangailangan ako ng tulong.

Lord, madami po akong dapat na ipagpasalamat sa inyo, ang mga pagsubok na nakalatag sa akin, ang mga sagot at mga paraan para malampasan ko ang mga pagsubok na iyon.

Salamat po sa mga taong hindi ako iniiwan sa oras na nawawala ako sa landas, sa tuwing naliligaw ako patungo sa inyo.

Salamat sa mga pagkakataong binigyan nyo ako ng panahon para malaman ko kung sino ang totoo, at kung sino ang mga taong hindi tunay sa akin.

Salamat po Lord, sa aking pamilya lalong lalo na ang aking ATE na nagtatrabaho sa DUBAI, alam kong dagdag pa ako sa mga KRUS nya sa buhay, salamat at di nyo sya binigyan ng sakit o kung ano mang makakasama sa kanya.

2011, na po siguro ang taon kung saan mas nakilala ko kung sino ako, ang taong mas alam ko na ang gusto ko at ang taong nagpapatibay sa akin bilang anak mo, Lord, sa tuwing tatawag ako sayo alam kong lagi kang nandyan. Pag may hiling ako di mo man ibigay ng ON-TIME pero binibigay mo sya ON PERFECT TIME.

Lord, ngayon darating na 2012 marami nanamang pagsubok akong kakaharapin, malapit na ang aking pagtatapos sa KOLEHIYO at sobra akong natatakot na harapin ang katotohanan na may mas malaking UNIBERSIDAD ng buhay ang aking papasukin, kung ano man po ang mangyayari ipapaubaya ko na po sa inyo.

2012 na mamaya, Bagong Taon  nanaman!
Lord, huwag nyo po ako, kaming pababayaan.
.



Miyerkules, Nobyembre 16, 2011

Paalam aking kaibigan, kapatid at minamahal

Isang araw nanaman ang lumipas,
 pakiramdam ko madami na namang oras ang aking napalampas,
 ang mga oras na sana nasabi kong mahal kita,
mga oras nasabi kong hindi ko na kaya
at mga oras na sana’y masasabing paalam na.
Paano nga ba sasabihin ang mga ito kung ang katotohanan naman ay ako’y di sayo?
Paano nga ba bibigkasin ang mga letra at kataga kung ikaw naman ay di sa akin nagsusumamo.
Paalam aking kaibigan, kapatid at minamahal
Ibabaon ko nalang sa limot ang aking nadarama
Kung tatanda man akong mag isa, nawa’y ikaw din
Para sa ating muling pagkikita ay ngingiti pa rin.

Mahirap magpalaki ng MAGULANG

Sa araw  araw nalang na ginawa ng Diyos, ewan ko ba isang challenge na sa akin ang pag uwi sa aming bahay, mas gusto ko pang matulog sa ibang bahay o kaya magpagabi sa daan o sa school dahil na din sa aking mga magulang. Nakakabarena ng ulo na dadatnan mo sa bahay ang mga magulang mo na daig mo pa ang  araw araw na may FIGHT nina Pacquiao at Marquez. Sa amin bahay lang ata walang CEASEFIRE sa bungangaan, ewan ko ba parehas naman silang may pinag aralan pero ewan ko ba bakit sila ganun? Minsan iniisip ko nalang na ako ay chinachallenge ng Panginoon sa ganitong mga scenario. Nakakahiya man isipin sa gulo ng pamilya ko ay inilalabas ko through the world wide web, wala naman ako masabihan sa amin, ayaw kong kimkimin ang lahat baka mabaliw ako.  Ayaw ko mang aminin, ang aming ama ay isang taong pinaka yayamutan ko sa aking buhay bukod sa pagbibigay ng pinakaSUMPANG pangalan sa aking buhay, ay ginagawa nyang imperyerno ang aking/ aming buhay sa raw araw nalang. Kung tutuusin mas MAHAL pa nya ang kanyang PERA kesa sa aming pamilya nya. Ang nanay ko naman ang PINAKAMARTYR na ina sa buong mundo kakarumi sa super martyr pwede na syang gawan ng dambana sa harap ng bahay namin.

Obligasyon ng magulang na maging maayos ang kanilang anak pero paano nila magagampanan ang ganung task kung sino mismo ay magulo pa sa kulot at patay na buhok. Paano nga ba tutuwirin ang mga PAKONG LIKO sa pamamagitan lang ng iyong hinliliit? Minsan na iisip ko masarap kaya ang pakiramdam na mag isa ka nalang sa buhay, yung tipong ikaw mag isa sa bahay, yung tipong tahimik ka sa loob ng bahay. Medyo ako ngayon ay nag iisip para sa aking sariling kapakanan. SOBRANG tadtad lang ako ng mga balang ligaw habang sila ay nagdidiskusyon sa pera, nagkakagulo dahil sa pera at halos magpatayan dahil sa pera. Nagtataka ako bakit ba sila nag aaway sa pera? eh ang tanong may pera ba kami? HALA nakakagulo.

Obligasyon ng ama na mag bigay sa pamilya pero ang case dine ay di nga sya ganun as in saan ka nakakita ng  ama na SINISINGGIL ang sariling PAMILYA... napaka ABNORMAL na gawain.

Sa aking paglaki, sa pagtanda, ayaw kong magaya sa ganitong PAMILYA, ayaw kong maging katulad ng aking AMA. Ayaw kong maging sya kahit isang percent lang, kung pwede lang akong magpapalit ng PANGALAN NAGAWA KO NA. Siguro ako pa rin ang lalabas na masama  dahil sarili kong magulang di ko matanggap, pero kung kayo ang nasa kalagayan ko , maiisip nyo din ito.

Ngayon para akong nasa isang battle field, wala akong dalang armas kung di ang ballpen ko at ang aking utak, habang sila ay pinaliligiran na ako. Mas gugustuhin ko pang mamatay sa giyera na magsaksak sa sariling ballpen kesa mamatay ng unti unti sa balang pinakakawalan ng aking mga magulang.

NAPAPAGOD na AKO
NAGSASAWA na ako
GUSTO KO NG PAGBABAGO!

________________________________________________________
Mahirap MAGPALAKI NG MAGULANG!
Super sa HIRAP!

Biyernes, Nobyembre 4, 2011

TRABAHO, PAG AASAWA, PAG IISA.

             Ang tatahakin kong daan ay alam kong hindi ang tuwid, hindi ang sementadong tapakan at hindi ang maliwanag. Ngayon masasabi kong mahirap ipaliwanag sa aking mga magulang ang aking papasuking buhay matapos kong gugulin ang aking oras at panahon sa pag aaral, ito ako ngayon nag nanais pumasok ulit sa buhay anman ng pagbobrother. Nitong nakaraang Undas ako ay humingi sa Panginoon ng lakas ng loob para sabihin ang lahat sa aking ina na alam kong makakaintindi sa akin, pero may mga pagkakatao talagang hindi inaasahan na papasok at papasok sa usapan namin sa harap ng hapag kainan ang tungkol sa TRABAHO, PAG AASAWA, PAG IISA.

TRABAHO

               Habang kamai ay nakain ang tanong nalang sa akin ng akin ina, "after graduation, siguro madaming company ang kukuha sa yo? saan ka magtatrabaho?" ang katanungan ito ay sinagot ko ng isang KATAHIMIKAN. tanging tunog ng kutsara at tinidor lamang ang naririnig sa buong silid kainan. Pakiramdam ko hindi pa ako handang sabihin na after graduation gusto ko ulit mag aral, na aafter graduation isa akong taong HUWAD at DUWAG na harapin ang katotohanan na ang buhay ay hindiisang INSTANT COFFEE na lalagyan mo nalang ng mainit na tubig yun meron kana.. Inaamin ko sa sarili ko na PARANOID ako dahil malaki ang expectations nila sa akin, na MALAKI ang inaasahan nila sa akin.

PAG AASAWA

              Napaka IRONIC siguro na pag usapan ang pag aasawa sa harap ng hapag kainan, ang matindi pa nito kapag kasama mo sa hapag ang mga kamag anak mo. Ako naman ay takang taka sa edad na 20 aba naiisipan na nilang mag asawa, maalam pa sa may katawan eh! Sa totoo lang hindi ko naiimagine ang aking sarili na may isang malaking bahay na kasama ang 3 o 5 anak at isang asawa. Medyo, hindi ko nga maalagaan ang aking sarili ng ayos yung aking pamilya kaya? Mabalik sa usapan, habang naghahapunan kami napasabat sa pag uusap ang aking tiyuhin at nagtanong "Kelan ka mag aasawa?" napasagot ako na "hindi po ako mag aasawa" sinagot naman ng aking ina na "Mag iipon muna sya at maghahanap ng tabaho bago sya mag asawa". gusto kong sumabat at isigaw mag BOBROTHER nga ako ano ba ang mahirap intindihin doon?  Naiisip habang nasa poder ako ng aking mga magulang, sila ang mag cocontrol sa aking mala ROBOT na buhay.

PAG IISA


                Kung iisipin hindi ako natatakot mag isa, ayaw kong isipin nilang mahina ako na kailangan kong may karamay sa lahat ng bagay. Pero nitong aming huling bakasyon laging itinatanim ng aking magulang sa akin na mahirap mag isa, sinuportahan nila ang linya yun ng mga scenario na "sa iyong pag tanda sino ang mag aalaga sa yo?, mahirap atang makita ang sarili na nakaupo sa wheelchair tapos walang napansin na apo or kamag anak sayo". Medyo pananakot, medyo pangongonsensya, medyo medyo lang! Alam ko sa papasukin kong buhay, sa mga daang aking susuungin, hindi ako nag IISA. hindi ako MAG IISA. Ayaw kong isipin na sa aking pagtanda ay mamatay nalang akong malungkot, mamamatay sa LUNGKOT. Pero kung pipilosopohin bakit ba pag namatay ka dapat may kasama ka syempre mag ISA ka lang.

Sa ngayon HINDI pa rin naiintindihan ng aking magulang na isa na akong ASPIRANT, kahit anong gawin kong paliwanag ang lagi nilang akala magpapari ako. Hihingi nalang ako ulit ng isa pang dasal sa Panginoon na sana sa susunod nasasabihin ko o babanggitin ko ang aking balak sa pagpasok sa Pag BOBROTHER, sana kaliwanagan ng isip ang ibigay nya sa aking mga papaliwanagan.

Alam kong ang aking papasukin ay ang hinding madaling daan, pero OK lang alam kong sa paghirap ng daan, doon tayo natototo, doon tayo pinapatatag, at para saan pa ang sabi sa THE PURPOSE DRIVEN LIFE na mas pinagpapala ng panginoon ang mga taong nangangahas na tahakin ang mahirap na daan.. ang DAAN na patungo sa PANGINOON!

Lunes, Agosto 29, 2011

Nasaan ang Ngiti sa Likod ng Pulang Labi?




SEQ 1.                        INT./ DAY      WASH ROOM       
BLACK SCREEN.

MAKIKITA SI ATOY, (50), PAYASO, SA ISANG MADILIM NA  SILID HABANG NAPAPARINIG ANG TUNOG NG ISANG ORASAN. HABANG SYA AY NAKATINGIN SA SALAMIN AT NAGTATANGGAL NG KOLORETE SA MUKHA MAKIKITA ANG HINDI MAIPINTA ANG MUKHA NA TILA BA MAY MALALIM SYANG INIISIP.  SA LOOB NG MADILIM NA KWARTO MAKIKITA ANG MGA LITRATO NYA HABANG SYA ANG BIDA SA MGA PARTY, MGA KUPAS NA LITRATONG NAGPAPAKITA NG PAGTANDA NYA SA PROPESYONG IYON. NANG NATAPOS MATANGGAL ANG MAKE-UP, MAKIKITA NA KUKUNIN NYA ANG ISANG PITAKA NA MAY LAMANG KONTING PERA AT MATAPOS ITO AY HAHAWAKAN N’YA AT KAKAPAIN ANG NANUNUYO AT NANGUNGULUBOT NA N’YANG KUTIS SA MUKHA.

CLOWN:
Hanggang dito na lang yata ako.

SEQ 2.                        INT./ DAY                PARTY NEEDS ESTABLISHMENT
MAKIKITA ANG ISANG “PARTY NEEDS ESTABLISHMENT” AT ANG MGA GAMIT SA LOOB NITO. MAKIKITA DIN SI MA’AM LEN, 28, ANG MAY ARI NG NEGOSYO, NA NAGKUKWENTA HABANG KAUSAP ANG ISANG KOSTUMER MAPAPARINIG ANG TUNOG NG MALAKAS NA PAGTYTYPE SA CALCULATOR. MAKIKITA DIN SI ATOY HABANG DALA-DALA ANG MALAKING BAG TIPONG LATANG LATA NAKABABA ANG BALIKAT, NAKASIMANGOT. LALAPIT SIYA KAY MA’AM LEN AT MAY SASABIHIN.

MA’AM LEN:
Bale, P18.00 ang isang balloon na may helium. ‘May iba’t-ibang klase pa po kaming offers. Ito po ‘yung booklet. Mag-aavail po ba kayo ng clown?

(Biglang papasok si Atoy)


ATOY:
Ma’am, ito na po ang uniform. Eh mapapaaga po ako ng alis

MA’AM LEN:
Ma’am sandali lang po. Atoy? Malinaw ang usapan natin ah? Ang sabi mo, dalawang linggo ka pa dito. Tumupad ka naman sa pangako. Ay naku! Sandali ha. Kakausapin ko muna ang kostumer. Babalikan kita.

(Matapos kausapin ni Ma’am Len ang kostumer, muli silang mag-uusap ni Atoy.)

MA’AM LEN:
Atoy. Alam mong ayoko sa lahat e walang isang salita. Hindi kita papayagan. Tapusin mo ang kontrata mo rito.

ATOY:
Ma’am? Wala na rin naman pong pinagkaiba kung ngayon ako aalis e. Wala na naman pong naka-schedule na birthday party para sa akin.

MA’AM LEN:
Ay nakakahiya naman pala sa’yo at maiinip ka lang sa negosyo ko. Bahala ka sa buhay mo kung yan ang gusto mo! Kung dyan ka magiging masaya, sige!

(Biglang papasok si Mrs. Robles, isa na namang kostumer. Hindi lalabas si Atoy dahil hindi pa maayos ang pagpapaalam niya kay Ma’am Len.)

MA’AM LEN:
Welcome po! Ano pong maipaglilingkod ko?

     MRS. ROBLES:
Hi. I’m Mrs. Robles. Magkakaroon kasi ng birthday party para sa anak ko. Magkano ba ang services dito?

MA’AM LEN:
Depende po sa i-aavail n’yo. Ito po ang booklet para sa rates namin.
(Habang tinitingnan ni Mrs. Robles ang booklet, maririnig ang boses ng anak)
V.O. NG BATANG BABAE:
Ma, gusto ko sa birthday ko, may cake, spaghetti, balloons at syempre po, dapat may clown.

MRS. ROBLES:
Itong package 2.

                               MA’AM LEN:
                         Ma’am, e kailan po ba ang party?

MRS. ROBLES:
This Saturday na po. Medyo biglaan kasi nagkaproblema ‘dun sa isang party needs supplier na nakausap namin.

MA’AM LEN:
Naku ma’am. Mukhang may problema rin po. Kasi po, ang package 2 po namin ay may clown. Unfortunately, wala po kaming clown ngayon. Ayaw n’yo po ba itong package 3 nalang? Mascot na lang po?

   MRS. ROBLES:
Ha? Naku. Hindi pwede e. Bilin po kasi ng anak ko ang clown. Wala ba talaga kayong available na clown? Kasi kung wala talaga, sa iba na lang ako pupunta.

MA’AM LEN:
Naku, hindi po Ma’am! Actually meron naman po. Ayan po, si Atoy. Pwede po ‘yan sa Sabado, nakalimutan ko lang. So, are we good on that?

MRS. ROBLES:
Of course! Ito ang down payment at ang calling card ko. Salamat!

(Lalabas si Mrs. Robles)
ATOY:
Ma’am Len naman?

MA’AM LEN:
Narinig mo, nakakumpurmiso ka na. Atoy, isang araw lang yun, pagbigyan mo na naman ako. Sa tagal mong nagtrabaho dito, ngayon mo pa ba ako ipapahiya?

SEQ 3.                        EXT./ DAY               GARDEN
ARAW NA NG PAGDIRIWANG NG BIRTHDAY NG ANAK NI MRS. ROBLES, SI PRINCESS. MAKIKITANG MAKULAY ANG PALIGID DAHIL NA DIN SA MGA MAKUKULAY NA LOBO, MAKIKITA ANG SET UP NG MGA TABLES AND CHAIRS, AT MGA KINAKAILANGAN SA PARTY GAYA NG CAKE AT MGA PALARO.  LAHAT NG BISITANG BATA AY MAGAGARA ANG SUOT HABANG SILA AY NAKAPARTY HAT. DARATING SI ATOY AT SASALUBUNGIN SIYA NI MR. ROBLES.

ATOY:
 Magandang hapon po. Si Mrs. Robles po?

MR. ROBLES:
                        Nasa loob. Ikaw ba yung sinasabi nyang clown?

ATOY:
                        Opo. Atoy po, sir.

MR. ROBLES:
Napakatanda mo na ata para maging clown, pero sige pasok ka, Atoy. Nay Trining, pakisamahan naman po s’ya sa guest room para makapagbihis na.

TRINING:
Kuya, wala naman po tayong guest room e.

MR. ROBLES:
 Ay oo nga pala (tatawa ng malakas). Sa kwarto na lang ni Princess, medyo masikip sa amin e. Basta, ‘wag mo na lang gagalawin ang mga gamit ng anak ko ha. Ayaw na ayaw n’ya yun e. Alam mo na, bata kasi.
CLOWN:
Opo naman sir. Mabilis lang rin po akong magbibihis para makapagsimula na.

SEQ 4.                        INT./ DAY                ROOM
SA SILID NI PRINCESS MAKIKITA ANG MAAYOS NA PATAS NG KAMA NA PARA BANG WALANG NAKATIRANG BATA SA LOOB, MAKIKITA DIN ANG MGA FIGURINE NG PAYASO PUPUNTAHAN ITO NI ATOY, PERO DAHIL NAALALA NYANG MAY TRABAHO SYA MAKIKITANG MAGMAMADALING MAG-AYOS SYA NG KANYANG GAMIT, NAG SUOT NG KANYANG MAKULAY NA COSTUME AT NAGMAKE-UP, HABANG GINAGAWA N’YA ITO BIGLANG PAPASOK SI PRINCESS SA KWARTO HABANG MAY NAKATALI SA KAMAY NITONG PUTING LOBO.

PRINCESS:
Hi. Buti nakarating ka po. Kanina ko pa po kayo hinihintay.

ATOY:
Hi baby! Later magmamagic na si kuya. Doon ka muna sa labas ha? Nagpeprepare kasi ako para mas maganda ang mga magic ko mamaya.

PRINCESS:
Hindi ko naman po titingnan pag nagpapraktis na kayo ng magic eh. Kuya, kuya, ganyan pala ang ginagawa pag nagbibihis ang clown, masaya po bang maging clown?

ATOY:
Hindi. (biglang sisimangot) Joke lang! Oo naman, clown nga eh. S’ya mamaya na lang tayo mag-usap ha? Baka pumalpak si kuya mamaya, sige ka.
LALAPIT ANG CLOWN SA BATA AT TILA MAY KUKUNIN NA BAGAY SA TENGA NITO.

ATOY:
Hala! Bakit dumudugo ang tenga mo? Patingin nga! (Biglang lalabas ang isang bulaklak.)

PRINCESS:
Wow! ang galing pink rose, saan yun galing? Ang galing naman po ng power mo.

ATOY:
Pero kapag hindi mo pa ako pinagbihis, papangit ang magic ko mamaya. Naku, hindi pa pala nakatali ang sapatos ko.

(Yuyuko si Atoy upang itali ang sintas ng kanya sapatos. Pagtunghay niya
ay nawala na ang bata)

ATOY:
Layasan ba naman ako? Sabagay, pinaalis ko naman talaga (tatawa). Hay mababaw talaga ang kaligayahan ng mga bata.

SEQ 5.                        EXT./ DAY                GARDEN
MAKIKITA NA LALABAS SI ATOY SA PINTO NG BAHAY AT PUPUNTA NA SA KINAUUPUAN NG MGA BATANG KANINA PANG NAGHIHINTAY SA KANYA. MAKIKITA NIYA NA NAKAUPO SI PRINCESS MALAPIT SA TABLE KUNG SAAN NAKALAGAY ANG BIRTHDAY CAKE. MAKIKITA DIN ANG MGA BISITA NA PINAGBUBULUNGAN SI ATOY.

MRS. ROBLES:
Children, let us all be seated. Magsisimula na ang show natin.
GUARDIAN 1:
Ang tanda naman ata ng CLOWN, bihasa na ata ito sa mga party eh!

GUARDIAN 2:
Oo nga, tingnan nga natin galing nitong gurang na payasong ito! 

ATOY:
Hello kids! Wow! Mukhang masayang masaya ang nagcecelebrate ng kanyang birthday, si Princess. Palakpakan naman natin sya!

(Walang papalakpak na bata)

ATOY:
Ay! Gutom pa ba kayo? Bakit matamlay? O, sino na
lang ang may gusto ng magic?

(Sasagot ang mga bata at magtataasan ng kamay)

ATOY:
Pero bago ‘yun, kantahan muna natin sya ng birthday song.

(Magkakantahan ng birthday song ang mga bata)

ATOY:
Yehey! Palakpakan muna tayo bago ako magmagic!

MONTAGE NG PAGMAMAGIC NI ATOY. MAKIKITA NA ANG MGA BATA AY AKTIBO SA PANONOOD PARA BANG SABIK NA SABIK SA MAGIK, SA LABILANG BANDA, MAKIKITA NA ANG CELEBRATOR AY PARANG WALANG KIBO AT NAKAUPO LAMANG AT DI MAIPINTA ANG MUKHA, TULALA. HABANG SINUSUNDAN NG MAGIK ANG MASASAYANG MUSIKA!

ATOY:
                         Nag-enjoy ba kayo? Si Princess kaya? Nag-eenjoy?

(Sasagot ang mga bata ng matamlay na “opo”)

ATOY:
Para mas maging masaya, isusunod na natin ang
pinakahihintay ni Princess. Ang blowing of the candle! Iinom lang muna ng tubig si Kuya Atoy, at saka tayo magpapatuloy. Okay ba ‘yun?

MGA BATA:
Opo.

SEQ 6.                        EXT./ DAY                BUFFET AREA
MAKIKITANG KUKUHA SI ATOY NG BASO AT LALAGYAN NYA ITO NG TUBIG, MAKIKITA ANG KANYANG LALAMUNAN NA TILA BA’Y SARAP NA SARAP SA PAG INOM NITO. HABANG UMIINOM NG TUBIG, MAPAPANSIN NI ATOY NA WALANG KANDILA ANG CAKE NI PRINCESS NGUNIT SA ISANG MALIIT NA CUPCAKE NAKATUSOK ANG KANDILA. NAGTATAKA ANG CLOWN DAHIL SUPER WEIRD NOON AT FIRST TIME SYA NAKAATTEND NG PARTY NA WALANG KANDILA ANG BIDAY CAKE. HABANG NAGTATAKA BIGLA SIYANG LALAPITAN NI PRINCESS.

PRINCESS:
                         Kuya!
ATOY:
O, Princess? Alam mo nagtataka ako…

PRINCESS:
Kuya, sa tingin mo, masaya po ba ‘tong party ko? Ikaw? masaya ka?

ATOY:
Oo naman! May birthday party ba na may masasarap na pagkain, may masasayang bisita st syempre may clown, na malungkot? Masaya ako kasi kahit papaano, sa huling pagkakataon, nakapagpasaya ako bilang clown.

PRINCESS:
Hindi naman kumpleto e. Ikaw, nagpapasaya ka nga,
pero alam ko, hindi ka masaya.

ATOY:
Kalurky ka naman! Masaya ako. At alam mo, dapat maging masaya ka. Hindi lahat ng bata nabibigyan ng ganitong party. Buti ka nga nakukuha mo lahat ng gusto mo.

(Makikitang malungkot pa rin si Princess.)

ATOY:
Baby, ‘wag ka nang sad. Alam mo ba, last ko nang
pagshoshow ‘to. Pagkatapos ng party mo, hindi na ako clown. Nakahanap na kasi si kuya Atoy ng bagong trabaho. O di ba? Sa tingin mo, sinong mas may karapatan na malungkot sa atin?

(Malungkot na ngingiti si Princess kay Atoy.)

PRINCESS:
Bakit ka aalis sa trabaho mong ‘yan? Di ka na ba masaya? Akala ko ba, masayang magpasaya?

ATOY:
Oo. Masayang magpasaya. Pero minsan, kapag paulit-ulit, nakakapagod, nakakasawa. Hindi mo pa ako maiintindihan. Tingnan mo, marami kang kaibigan. Hindi ka naman nila iiwan, lalo na ang mommy at daddy mo. Princess, masaya ang buhay mo. ‘Wag ka na malungkot ha?

PRINCESS:
Naiintindihan ko naman po lahat ng sinasabi n’yo. Pero kuya, magiging masaya ka naman kung gugustuhin mo e. Oo nga po at may mga tao na kahit gustuhin nilang ‘wag malungkot, nagiging malungkot pa rin sila dahil sa mga nangyayari sa paligid nila. Pero sa tingin ko po, sa kaso mo, sarili mo lang naman ang kalaban mo.


SEQ 7.                        EXT./ DAY               GARDEN
MAGPAPATULOY ANG SHOW NI ATOY, MADAMI PANG MGA PALARO ANG MAGAGANAP KASABAY NITO ANG MGA MASASAYANG TUNOG NA TILA PARANG WALANG BUKAS SA SAYA. MAKIKITA ANG IBAT IBANG MONTAGE NG MGA LARO SA BIRTHDAY PARTY YUNG TIPONG SLOW MO TO FAST FORWARD. MAGPAPALARO SI ATOY NG “BRING ME”.

ATOY:
                          Heto na! Bring me something na paborito ni Princess!

(Isang bata ang magdadala ng lumang manyika)

ATOY:
Kay Princess ba ito?

BATA:
Akin po. Binigay po ni Princess sa akin noon. Sabi po niya favorite nya ‘yan kasi masaya raw po siya kapag kalaro niya ‘yan.

ATOY:
Wow! Talagang masiyahin na bata si Princess! O, ito na ang prize mo. Dahil dyan, kumanta tayo ng birthday song!

(kakanta ang lahat ng birthday song)


MAY LALAPIT NA MGA BATA KAY ATOY AT YAYAKAPIN ITO NG MAHIGPIT. HABANG MAKIKITA NA LALAYO SI PRINCESS NA HAWAK ANG PUTING LOBO. TATAWAGIN NI ATOY ANG BATA NGUNIT MAPAPATINGIN SIYA SA BATANG HAHALIK SA PISNGI NIYA NAWALA ANG ATENSYON NI ATOY KAY PRINCESS.

CLOWN:
Princess, Psst…Princess, halika!

(Biglang may hahalik kay Atoy, mapapatingin siya. Sa muli niyang pagtawag kay Princess, makikita na lamang niya ang puting lobo na lumilipad)
SEQ 8.                        INT./ DAY                 ROOM
HABANG INAALIS NI ATOY ANG KANYANG MAKE-UP MAPAPARINIG PA RIN ANG TUNOG NG MABAGAL NA ORASAN, ISANG MADRAMANG TUNOG AT MARIRINIG NIYA ANG V.O. NG USAPAN NILA NI PRINCESS. MAKIKITA ANG MUKHA NI ATOY SA SALAMIN NA UNTI UNTING NAPAPANGITI MULA SA NAKASIMANGOT NA ITSURA AT NAPAPAISIP.

V.O. PRINCESS:
Bakit ka aalis sa trabaho mong ‘yan? Di ka na ba masaya? Akala ko ba, masayang magpasaya?


SEQ 9.                        INT./ DAY                LIVING ROOM
MAKIKITA SI ATOY NA LALABAS SA KWARTO NI PRINCESS MAY DALA ITONG MALAKING BAG, AT MAKIKITANG NAKANGITI NA ANG CLOWN, MAGPAPAALAM NA SI ATOY KAY MRS. ROBLES NA SA ORAS NA IYON AY NASA SALA AT TINITINGNAN ANG MGA LITRATO NI PRINCESS HABANG NAKAUPO SA SOFA.


ATOY:
 Ma’am, e uuna na ho ako.

MRS. ROBLES:
 Naku, maraming salamat, Atoy!

(Yayakapin niya si Atoy na halos naiiyak. Pagkatapos ay iaabot niya ang sobre sa binata)

ATOY:
Maraming-maraming salamat din ma’am! Sana po kahit papaano ay napasaya ko ang party ni Princess. Pakisabi na lang rin po sa kanya na uuna na ako. Napakabait pong bata ng anak ninyo. Masuwerte po kayo sa kanya.

(Kukunot ang noo ni Mrs. Robles na tila nagtataka)

MRS. ROBLES:
Anyway, dumiretso ka sa kusina, may ibibigay si
‘Nay Trining. Salamat ulit!


SEQ 10.                      INT./ DAY                 KITCHEN
SA KUSINA MAKIKITA NA NAG AAYOS NA NG MGA GAMIT SI NAY TRINING, MADAMING HUGASIN, MAKIKITA ANG ISANG SUPOT NA MAY LAMANG MGA PAGKAIN MAKIKITA DIN ANG SOUVENIR KALAPIT NG SUPOT. PAPASOK SI ATOY AT GUGULATIN SI NAY TRINING
ATOY:
Trining!


TRINING:
Hay dyos ko! Ikaw pala yan Atoy, ito ang kaunting pagkain. At saka, ito na rin ang souvenir. Salamat ng marami ha. Mag-ingat ka pauwi.

ATOY:
Maraming salamat din ! Mauna na po ako.


SEQ 11.                      EXT./ DAY         KALSADA
HABANG NAGLALAKAD SA MAPUNONG SUBDIVISION, MAKIKITA SI ATOY NA KUMAKAIN NG TINAPAY, TININGNAN NYA ANG ORASAN PERO DI SYA NAGMAMADALI KAHIT DUMIDILIM NA, SA PUNTONG IYON AY TILA MAPAPANGITI SI ATOY PARA BANG WALANG INIINDANG PROBELMA. WALANG ANU-ANO’Y BUBUKSAN NIYA ANG SUPOT NA INIABOT NI TRINING SA KANYA. SA KANYANG PAGKUHA NG SOUVENEIR MAGUGULAT AT PAGPAPAWISAN SYA NG MALAMIG SA KANYANG MABABASA.

V.O. NI ATOY:
Nakakatuwa naman ‘yung batang ‘yun. Tagos lahat ng sinabi n’ya sa akin. Tama s’ya, masaya ang buhay kahit minsan nakakasawa. Kailangan ko lang matutunang mahalin kung ano ang meron ako. Happiness is a choice. Masaya ang magpasaya.

(Kukuhanin ni Atoy ang souvenir)

ATOY:
Thank you for coming to Princess’ 7th birthday. May her angelic soul rest in God’s hands!”


(Fade to Black)
END.


"sa ating pagkapagal minsan nagsasawa na tayo sa ating buhay, pero may darating na isang tayo namagpapaalala sa atin na ang buhay ay masaya at makakalimutan natin lahat ang problema"
--Eugenio de Luna

Sabado, Hulyo 2, 2011

LUNES na NAMAN!



Ang araw ng Lunes ay nalalapit na naman , bagong araw, simula na naman ng linggo, ano nga ba ang kinaiinisan ko tuwing Lunes? Una ang paggising ng maaga kahit ang katawan ko ay hinahanap pa din ang paghiga sa kama, pangalawa ay ang paniguradong trapik dahil na din sa madaming TMD na nanghuhuli ng mga pasaway ng drivers at panghuli ay ang makita ang mga estudyante na naglalakwatsa ng umagang umaga.


Tuwing Lunes, habang ako ay naglalakad papuntang sakayan ng jeep ay napapadaan ako sa isang eskinita na akala mo sa pelikula mo lang makikita, eskinitang may mga tindahan, bahay at karinderia. Sa eskinitang ito makikita din ang isang gusali na sa una ay aakalain mong paaralan dahil sa daming mga kalalakihang nakauniporme sa loob, minsan napasilip ako at nagulat ako sa aking nakita, sa isang malawak na silid na may mga nakabitin na ceiling fan at ilaw na di masyadong kaliwanagan may 4-5 billiard tables, 3 video game units. Sa loob ay makikita din ang mga estudyanteng parokyano na akala mo ay nagflaflag ceremony sa haba ng pila para makapaglaro ng video games at bilyar, yosi at tako ang iyong makikitang kanilang hawak kesa sa inaasahan natin bolpen o lapis, borax ang nagpapaputi ng kanilang mga kamay kesa ang alikabok mula sa chalk ng blackboard, at NARUTO o kaya NBA 2k10 ang kanilang pinapanuod at nilalaro kesa ETV. May matanda doon na taga bantay, nakakatuwa para sya ang tumatayong principal sa gusali, minsan sya na din ang canteen personnel dahil na rin sa mga tinda nyang pagkain at butbutin sa kanyang bilyaran at kadalasan sya na rin ang cashier dahil sa kanya nagbabayad ag mga estudyante.





Nakakalungkot, mahirap talagang tanggapin ang katotohanan na may mga kabataang pinipili pang magliwaliw kesa pumasok sa eskwelahan, may mga kabataang ding hindi iniisip ang hirap at pagod na dinadanas ng kanilang mga magulang para lang mabigyan sila ng baon na nagshoshoot lang sa 6 butas ng bilyaran at sa token slot ng video game units at may mga kabataan na aalis sa kanila ng nakauniporme pero hindi sa tunay na paaralan ang punta. Alam kong hindi lang dito sa amin may ganitong padale marahil sa ibang lugar din ay may ganito ding kaso, nakakapanlumo na sa mura nilang edad ay makikitaan mo sila ng mga sigarilyo sa kanilang hilababaw at naghihithitan na akala mo’y mga taong tambutso.

Bukas LUNES na naman, makikita ko nanaman silang nakapila doon, nais ko man silang sabihan pero sino ba ako sa kanila para makinig sila sa akin? Ipinagdarasal ko na lang na isang araw ay maumpog sila sa katotohanan na ang kanilang ginagawang pag sasayang ng oras at pera ay walang magandang patutunguhan. Sana isang LUNES ay makita kong paunti unti na silang nawawala sa gusaling tinuturing nilang pangalawang tahanan at bumalik sa paaralan na totoo at dapat nilang PANGALAWANG TAHANAN!

Martes, Hunyo 21, 2011

SA SALIW NG RITMO NG ULAN AT TINIG

Sa tuwing umuulan isa sa pinakamasayang naaalala ko ay ang aking kabataan, bukod sa aking paboritong isuot na kulay berdeng Mickey Mouse na kapote at sa mainit at malinamnam na champorado o di kaya sopas na almusal na inihahain ng inay, naaalala ko pa rin ang pagsasayaw habang pumapatak ang malalaking butil ng mala kristal na ulan sa bubungan ng aming silid aralan.

Grade 1 ako noong at tandang tanda ko pa na hindi maganda ang panahon, umaga pa lang pero madilim na ang kalangitan, malakas ang ulan pero kailangan kong pumasok dahil may pagsusulit kami noon. Habang suot ko ang aking kapote at habang nakapayong ang aking ina na syang may dala ng aking bag, hinatid nya ako sa paaralan ng mga dakong alas siyete. Nakita nya na kakaunti lang ang pumasok na bata, labing limang mga mukhang basing sisiw na bata, kalahati ng normal na klase sa tuwing maganda ang panahon, sa kabilang banda nakita naming mag ina ang aking guro habang nagpupunas sya ng sahig dahil  sa natulong kisame ng aming silid aralan. Binati lang ng aking ina ang guro ay iniwan na nya ako at sinabihan ang aking guro na wag akong papalabasin hanggat di sya na darating. Habang patuloy na pumapatak ang malakas na ulan, may isang anunsyo ang pinadala ng DECS (ngayo’y DEPED) na ikakansela ang pasok ng elementarya tulad pa rin ngayon huli silang nagbibigay ng anunsyo dati, kaya habang tumatagal ang oras unti unting nauubos ang kinseng bata na gumising ng maaga para lang matuto.

Matatandaan ko pa noon na ang tagal tagal dumating ng aking ina habang ang aming guro ay pumunta muna sa kantina para dalhan kami ng pagkain. Mula sa labing lima, naging sampu, anim at humantong sa tatlo ang natira sa klase, ako, si Vincent at si Jasmine (mga di nila tunay na pangalan).

Si Vincent ay taga Bustop, tapos si Jasmine ay taga Palengke, sila ay di pa makakauwi dahil ang kanilang mga magulang ay nagtatrabaho pa katulad ng aking ina na abala sa aming negosyo. Dahil kami ay tatlo nalang na natira sa silid aralan kami ay nagbalak na maglaro, habulan sa maluwag na silid pero basing sahig , naglaro kami ng clay, nagbasa ng mga libro, kumanta,  pero hindi din nagtagal si Vincent dahil sinundo na sya ng kanyang ate na pinauwi na din mula sa klase sa kalapit na hayskul. Kami nalang ang natira ni Jasmine sa silid habang ang aming guro ay pagala gala lang sa paaralan at nakikipag usap sa iba pang guro.

Nagkakahiyaan pa kami ni Jasmine noon kasi ewan ko para bang may ilangan na kami sa klase kahit noong kami ay magkaklase pa sa kindergarten, alam ko na dahil sya ang valentine ko noong kinder - isang bunutan sa klasrum. Basta nanahimik ang buong silid tanging ingay lang ng patak ng ulan ang aming naririnig, hanggang sa dumating ang aming guro, pinuntahan nya kami at kinausap, sabi nya na iiwanan nalang daw nya kami sa kabilang room pag pumatak na ang oras na alas dose, kasi susunduin pa nya ang anak nya na nag aaral sa ibang paaralan.

Pero bago sya umalis kami ay pinatayo, naglaro kaming kasama ang aming guro nagbilang kami, kumanta, binasahan nya kami ng mga istoryang nakakatakot, pantasya pati na din komedya. Pero ang hindi ko makakalimutan ay pinasayaw nya kami habang nakanta sya ng isang kantang makaluma na hanggang ngayon ay di ko maalala ang lyriko. Malakas pa rin ang ulan, nangingibabaw ang lakas ng patak ng ulan sa tinig ng aming matandang guro, habang kami ay nasa loob ng isang medyo madilim na silid, inilapit ng aming guro ang aming mga kamay sa isa’t isa, si Jasmine ay nakahawak sa aking balikat habang ako naman ay nakahawak sa likod nya ang isang kamay naming ay kapwa magkahawak din yung tipong ang porma ay magsasayaw ng waltz.

Wala kaming nadamang hiya noong pagkakataong iyon, para ba kaming nahypnotized at naging automatic na mga laruan na sumasayaw sa ritmo ng kanta at patak ng ulan. Pakiramdam ko ay binigyan ng pagkakataong kami ni Jasmine na makapagkilala at makapag usap sa simpleng indak sa saliw ng kanta at ritmo ng pagpatak ng mga kristal na tubig mula sa langit.

  Mag aalas dose nang tumigil pansamantala ang ulan, nanahimik ang buong paligid habang ako at si Jasmine ay tinulungan ang aming guro na punasan ang basang sahig ng aming klasrum, dumating na ang ina ko at iniwan ko nalang si Jasmine at ang aming guro sa loob ng klasrum. Doon natapos an gaming pag indak sa saliw ng kanta.

Ngayon sa tuwing naulan naalala ko pa rin ang masayang araw na iyon, ang pagkakataong minsan lang dumating sa buhay ng isang bata, ang pagkakataong kahit ang kalikasan ay nakikisama sa ano mang paraan para makakilala ka ng isang tao na minsan lang darating sa ating buhay.

Ngayon nakikita ko pa rin si Jasmine pagala gala malapit sa aming bahay, malaki na ang pinagbago nya mula sa tahimik at mahiyaing babae ngayon ay medyo sulpada na at nagmamaganda na sya, ok lang yun kahit ano man ang nangyari sa kanya at kahit minsan hindi nya ako naaalala na para bang hindi kami naging magkaklase tatanawin kong isang utang na loob ang pakikipagsayaw nya sa akin sa saliw at ritmo ng ulan at tinig.


utang na loob ang pakikipagsayaw nya sa akin sa saliw at ritmo ng ulan at tinig

Lunes, Hunyo 20, 2011

LIHAM PARA KAY RIZAL

Seńor Jose P. Rizal,

Isang mapagpalayang araw sa inyo, Ako po si Yujin nagmula sa makabagong henerasyon ng mga Pilipinong nabubuhay sa panahon ng modernong teknolohiya. Matagal tagal nyo din hindi nakikita ang Pilipinas mula ng kayo ay binawian ng buhay sa Bagumbayan, na ngayon ay Luneta na kung saan makikita ang magagandang ilaw at dancing fountain ng parke at bagong pintang playground, ang statue ni LAPU-LAPU at ng inyong DAMBANANG binabantayan ng dalawang sundalong ayaw ngumiti. Sa kabilang banda naman ang pangit na katotohanang ang LUNETA kung saan kayo’y binawian ng buhay ay ang ginagawang estasyon ng mga masasamang loob tulad ng mga nag uunahang mandurukot, mga sabog na rugby boys at girls, mga matatabil ang dilang bugaw at mga taong nagbebenta ng aliw.

Ngayon ay isa na naman taon ang dumagdag sa inyo at ang matindi pa nito 150 taon na kayong nabubuhay di man sa pisikal na anyo kung di sa aming mga isipan at puso, sa libro, sa mga kwento, sa mga kalyeng ipinangalan sa inyo, sa PISO kung saan halos lahat ng PILIPINO ay nakahawak na nito at bilang PAMBANSANG BAYANI ng bansang sinasabi nilang PAPAUNLAD. Kung nabubuhay kaya kayo ngayon makakapagsuot ka din kaya ng usong fashion trends, makakapagpamohawk, o kaya makikita ka naming sa mga naglalakihang Bar at party place and events? Maaadik rin kaya kayo sa Korean Halleyu, sasayaw sa mga kantang kanilang pinapauso at magpapadala ka kaya sa modernong consumerismo gaya ng pagtangkilik sa MCDO. Gagamit din kaya kayo ng mga TABLETS na unti unti nang iniinvade ang ating bansa?  Nakakatuwa naman po atang makita ang isang RIZAL na naglalakad sa MAKATI habang naka EXECUTIVE look with matching pomada sa buhok.

Kung buhay ka kaya ngayon, ano kaya ang STAND NYO sa mga isyung panlipunan, at pang ekonomiya? Papayag kaya kayo sa DIVORCE o kaya sa RH BILL? Maniniwala kaya kayo sa DAAN MATUWID na sinasabi ng ating mahal na PANGULO o dadaan nalang kayo sa DAANG MATRAPIK sa C5? Mapapadaan din kaya kayo sa KILLER HIGHWAY na kahit may mga camera na ay todo pa rin ang mga pasaway na motorista sa pagpapatakbo ng higit sa SPEED LIMIT? Sa LOTTO kaya’y tataya kayo lalo na sa 6/55 na ang premyo ay naabot sa 300 MILLION? MagBABAN din kaya kayo ng mga produktong galing sa CHINA gaya ng mungkahi ni Gov. SALCEDA ng Albay, para lang maipaglaban ang SPRATLY? Sa tingin nyo saan kaya SUSUPORTA ang AMERIKA sa SPRATLY ISSUE, sa CHINA na kanilang pinagkukuhanan ng LABOR FORCE o sa PILIPINAS na matagal na nilang KAIBIGANG BANSA? Ano kaya ang magiging reaksyon mo sa malaking pagbabago ng ILOG PASIG na dati’y sa iyong mga libro’y bumibida ang kalinisan? Paano nyo kaya mabibigyan ng katarungan ang matinding sinapit ng mga kapwa nating mamahayag na katulad nyo din na gustong ihayag ang mga katotohanan at mga kadumihan ng gobyerno, na hindi pa rin nakukuha ang katarungan at katahimikan sa unti unti nang nakakalimutang MAGUINDANAO MASSACRE!

Ano kaya ang masasabi nyo sa mga KABATAANG inaasahan nyong magiging PAG-ASA NG BAYAN na ngayon ay naghahalukay ng basura sa bundok ng umaalingasaw na basurahan at hindi man lang nabigyan ng sapat na kaalaman dahil na din sa NAPAKALUMA nang isyu ng KAHIRAPAN. Tama pa rin po kayo na ang EDUKASYON ang magpapalaya sa atin, sa kamangmangan at kahirapan, pero paano po yung mga batang napipilitang magtrabaho para may panlaman ng kanilang TYAN? Ano kaya ang gagawin nyo sa mga magulang ng 3 batang babae na ginagawang negosyo ang mga anak sa pamamagitan ng CYBERSEX para lang kumita ng 1 Libong Piso kada araw? Tama, po nakakapanlumo ang mga nangyayri ngayon sa ating bansa, dati ang kalupitan lang ng mga ESPANYOL ang inyong nais matanggal ngayo’y ay nagkahawa hawa na, pati KAPWA PILIPINO ay dumadagdag na sa pagpapasakit sa ibang tao. Kung makikita nyo kami ngayon masasabi nyo bang SULIT ang inyong PAGKAMATAY para sa BAYAN?

Seńor Rizal, sana buhay ka ngayon para masagot nyo ang aking mga katanungan, para makatulong ito sa aming mga susunod sa linya ng mga taong handang maglilingkod sa bayan, inaamin ko na ang ating bansa ngayon ay hindi pa rin natututo sa mga nangyayari sa nakaraan, paikot ikot lang ang kapalaran ang mahirap ay mahirap parin ang mayaman ay patuloy pa rin sa pagyaman. Sa tuwing laban lang ni MANNY nararamdaman ang damdaming MAKABAYAN at pagkatapos nito ay naliligaw na ulit kami sa ibang identidad bilang ibang tao na nakatira sa bansang pinagbuhusan nyo ng pagod at buhay.  Hanggang dito na lang po muna ang aking sulat sa inyo, sa susunod nyo na lang pong kaarawan ako magbabahagi ng aking mga hinaing. MALIGAYANG KAARAWAN!

"para sa iyong ika-150 na kaarawan, sumasaludo kami at umaasa pa rin na mabuhay ang aming DAMDAMING MAKABAYAN!"

Magsumiklab nawa ang aming DAMDAMING MAKABAYAN ngayon at kailanman!

Humahanga at Sumasaiyo,
Eugenio “Yujin” Sta. Romana De Luna Jr.